Mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) ang kanilang Banana Plantation Project (Larawan mula sa IPPF PIO)
PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Palalawakin ng Iwahig Prison and Penal Farm ang kanilang Banana Plantation Project ngayong muli itong binuhay.
Ayon kay CSOIV Luis Fernandez na siyang naitalagang humawak ng proyekto, plano nilang palawakin sa limang ektarya ang plantasyon.
Aniya, sa ngayon kasi ay nasa dalawang ektarya lamang ang kanilang taniman ng saging sa central colony. Makakatulong aniya ito ng malaki sa mga persons deprived of liberty (PDL) na nasa kolonya.
Ang saging kasi ay may taglay na mahahalagang sustansya at bitamina na kailangan ng ating katawan. Mayaman rin ito sa potassium at ang madalas na pagkain nito ay makakatulong para mapanatiling mababa ang blood pressure, makaiwas sa sakit na cancer, indigestion at sa pagbaba ng timbang.
Naniniwala si Fernandez na magtatagumpay ang proyekto sa pamamagitan ng kooperasyon ng lahat nilang tauhan at sa kakayahan ni Acting IPPF Superintendent Joel Calvelo.
Matatandaang sa panayam ng PIA-Palawan kay Supt. Calvelo, sinabi niyang kaniyang tututukan ang pagpapaunlad ng agrikultura sa itinuturing na piitang walang rehas.(MCE/PIA Mimaropa)