No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: DSWD sa publiko: Maging mapanuri sa mga mapanlinlang na grupo

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na mas maging mapanuri sa pakikipag-ugnayan sa anumang grupo o organisasyon kasunod ng insidenteng naganap kamakailan lamang habang nagsasagawa ng pamamahagi ng financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na kinasangkutan ng di-umano’y isang senior citizens’ at persons’ with disability organization.

Base sa impormasyong nakalap ng DSWD Crisis Intervention Division, na siyang nagsagawa ng pamamahagi ng tulong, ang grupo ay nanghihikayat di-umano ng miyembro at naniningil ng bayad para sa identification card na nagkakahalaga ng P350 kapalit ng pangakong makatatangap sila ng financial assistance mula sa Ahensya sa ilalim ng AICS.

Ipinaliwanag ng DSWD na hindi ibinebenta ang identification cards ng mga senior citizen at person with disability at hindi din ito garantiya na makakakuha ng financial assistance. Binigyang diin ng Ahensiya na ang pamimigay ng financial assistance ay alinsunod sa DSWD Memorandum Circular No. 11 series of 2019 na inamiyendahan ng Memorandum Circular No. 24, series of 2020.  Ayon sa polisiya, ang Ahensiya ay nagpapatupad  ng ‘screening and verification procedure’ sa mga isinasagawang payout upang masigurong karapat-dapat ang mga benepisyaryong makakatanggap ng pinansyal na tulong.

Sa pamamamagitan din nito, nabeberipika ng ahensya kung legal ang mga dokumentong ipinapakita ng kliyente habang nakakapagsagawa naman ng assessment ang mga social worker bilang basehan nila sa pagrekomenda ng angkop na halaga ng tulong pinansiyal para sa benepisyaryo.

Nais paalalahan ang lahat ng sektor na maaaring makakuha ng programa o serbisyo ng DSWD kahit hindi kasapi ng isang samahan base sa assessment na isasagawa.

Nananawagan ang DSWD sa publiko na ipagbigay-alam ang mga ganitong insidente sa ahensya sa numero (028) 931-81010 to 07 o sa alinmang DSWD Field Office sa buong bansa. (PIA-NCR)

About the Author

Nonette Castillo

Writer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch