LUNGSOD NG COTABATO, Hulyo 13 (PIA) – Magbibigay ng medical scholarship ang Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o MOH-BARMM sa mga estudyanteng Bangsamoro na nakapagtapos ng pre-medical course at nais mag-aral ng medicine sa ilang unibersidad sa Mindanao.
Kahapon, Hulyo 12, lumagda sa Memorandum of Agreement o MOA ang MOH at University of Southern Mindanao (USM) sa Kabacan, North Cotabato kung saan 30 kwalipikadong estudyante ang maaaring mabigyan ng slot.
Bukod sa USM, 15 slot naman ang laan ng MOH para sa Western Mindanao State University (WMSU) sa lungsod ng Zamboanga, at anim sa Brokenshire College, Inc. sa lungsod ng Davao.
Ayon kay MOH Minister Bashary Latiph, sakop ng scholarship ang 100 porsyentong gastusin sa pag-aaral ng mga iskolar. Kabilang dito ang school tuition fees, miscellaneous fees, monthly allowance, book allowance, at iba pang mga gastusin.
Magbubukas ang nasabing scholarship program sa buwan ng Agosto 2021.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring magtungo sa tanggapan ng MOH sa loob ng Bangsamoro Government Center sa lungsod ng Cotabato. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM)