Sama-samang nagtanim ng mga seedlings ang mga kaanib ng Puerto Princesa City Police Office- City Community Affairs and Development Unit (PPCPO-CCADU) sa pangunguna ni CCADU Chief PLTCOL Benigno C. Conde kasama ang mga guro at Barangay Officials ng Barangay Bancao-Bancao, Puerto Princesa City sa ika-26 PCR Month Celebration noong Hulyo 13. (Larawan mula sa PPCPO-CCADU)
PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, (PIA)--Nagsagawa ng tree planting activity ang City Community Affairs and Development Unit (CCADU) ng Puerto Princesa City Police Office sa pangunguna ni CCADU Chief PLTCOL Benigno C. Conde noong Hulyo 13 sa Mauricio Reynoso Memorial Elementary School, Barangay Bancao-Bancao, Puerto Princesa City.
Ito ay may kaugnayan sa ika-26 na PCR (Police Community Relations) Month Celebration na ginagawa ng Philippine National Police (PNP) ngayong Hulyo, na may temang ‘Pulisya at Pamayanan, BARANGAYanihan sa hamon ng pandemya at laban sa krimen’.
Layunin ng aktibidad na mabawasan ang greenhouse gasses, labanan ang climate change at mas mapaganda ang kalidad ng natural na kapaligiran.
"Batay ito sa adbokasiya ng PNP bilang makakalikasan para makapagligtas,makatulong at mapreserba ang ating kapaligiran," ayon kay CCADU Chief PLTCOL Benigno C. Conde.
Kasama ng mga pulis sa pagtatanim ng mga seedlings ng ibat-ibang klase ng puno ang mga guro ng nabanggit na paaralan at ang mga barangay officials ng Barangay Bancao-Bancao. (MCE/PIA Mimaropa)