MAYNILA, (PIA) -- Iginiit ngayong araw ni Senator Win Gatchalian ang masinsinang pagrepaso sa programang distance learning ng Department of Education (DepEd) bilang paghahanda sa SY 2021-2022, sa pormal na pagwawakas ng School Year (SY) 2020-2021 nitong Hulyo 10.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 739 upang suriin ang kahandaan ng mga paaralang maghatid ng dekalidad na edukasyon para sa SY 2021-2022—sa pamamagitan man ng limited face-to-face classes, distance learning, o iba pang mga paraan ng pagtuturo.
Ayon sa isang Pulse Asia Survey na kinomisyon ni Gatchalian noong Pebrero, wala pang kalahati sa mga magulang na may anak sa basic education o 46 porsyento ang nagsabing natututo ang kanilang mga mga anak. Tatlumpung (30) porsyento naman ang hindi matukoy kung natututo o hindi ang kanilang mga anak, at dalawampu't limang (25) porsyento naman ang nagsabing hindi natututo ang kanilang mga anak.
Lumabas din sa naturang survey ang pangunahing mga isyung kinakaharap ng mga magulang, mga guardian, at ng mga mag-aaral mula noong pumutok ang pandemya. Kabilang dito ang hirap sa pagsagot sa mga modules (53 porsyento), mahina o paputol-putol na internet (43 porsyento), hirap sa pagtutok o katamaran sa pakikinig (42 porsyento), at kakulangan ng mga gadgets para sa distance learning (36 porsyento).
Bagwama’t ipinagpaliban muli ang pilot test ng limited face-to-face classes, dapat pa ring paghandaan ng DepEd ang muling pagbubukas ng mga paaralan sakaling payagan na ang pagsasagawa nito, ayon kay Gatchalian. Isa sa mga mahahalagang hakbang na dapat gawin, halimbawa, ay ang pagtiyak na may sapat na pasilidad para sa tubig at kabuuang sanitation ng mga paaralan.
“Mahalagang matuto tayo sa mga hamong kinakaharap natin sa distance learning upang maging mas maayos ang paghahatid natin ng edukasyon sa susunod na pasukan. Dapat patuloy rin ang paghahanda natin sakaling pahintulutan na ang pagkakaroon ng limited face-to-face classes,” ani Gatchalian.
Dagdag pa ng senador, dapat matugunan ang krisis na kinakaharap ng sektor ng edukasyon bago pa tumama ang pandemya. Paliwanag ni Gatchalian, ito ay makikita sa resulta ng mga international assessments na isinagawa bago pa sumiklab ang pandemya noong nakaraang taon. Ayon sa mambabatas, pinalala ng isang taong pagsasara ng mga paaralan ang problemang ito.
Bagama’t kasalukuyan naman ang pag-reporma ng DepEd sa K-12 curriculum, isinusulong naman ni Gatchalian ang marami pang mga reporma sa iba’t ibang aspeto ng edukasyon tulad ng kalidad ng mga guro at education governance. Ayon kay Gatchalian, ang mga usaping ito ay tatalakayin sa panukalang muling pagbuo ng Congressional Oversight Committee on Education (EDCOM). (OSWG/PIA-NCR)