LUNGSOD NG COTABATO (PIA) –Inihain kamakailan ng ilang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang panukalang batas na magsusulong sa proteksyon ng Indigenous Peoples (IPs) communities sa rehiyon ng Bangsamoro.
Ang panukalang Cabinet Bill 40 na may pamagat na “Indigenous Peoples Rights Act in the Bangsamoro Autonomous Region”, ay inakda nina BTA members Melanio Ulama at Romeo Saliga
Layunin ng nasabing panukala na makapagbigay serbisyo sa lahat ng IPs sa rehiyon kabilang ang Tèduray, Lambangian/Balèg, Dulangan Manobo, Erumanum Ne Menuvu, Badjao, Sama, Yakan, Higaonon, Blaan, at iba pang mga kinikilalang indigenous tribe ng Ministry of Indigenous Peoples Affair ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MIPA-BARMM).
Sinabi ni Saliga na ang naturang hakbang ay makatutulong sa pag-angat ng buhay ng mga IP sa rehiyon at pagtugon sa injustices na ginawa sa kanila.
Samantala, inatasan ang MIPA na bumuo at magpatupad ng mga patakaran, polisiya, at proyekto para sa mga IP, kabilang na ang kanilang mga karapatan sa pantay na proteksyon, non-discrimination, ancestral domains, identity, cultural integrity, self-governance, at tribal system.
Kabilang din sa mga tungkulin ng MIPA ay ang pag-assess ng kondisyon ng mga IP, pagbibigay ng property titles, pagbuo at pagpapatupad ng mga programa para sa economic, social, at cultural development, pagbibigay ng legal assistance, at paggabay sa BARMM chief minister tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa mga IP. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BIO-BARMM).