Alethea R. De Guzman, MD, MCHM, PHSAE, OIC-Director III, DOH-Epidemiology Bureau
LUNGSOD QUEZON – Muling nagpaalala ang Department of Health-Epidemiology Bureau (DOH-EB) na patuloy na mag-ingat at magpabakuna laban sa mas nakahahawang Delta variant dahil sa uri at bilis ng pagkalat ng variant na ito.
"Ngayon, bakit naman tayo talaga nag-wa-warn against and we want to prevent and delay the entry of this Delta variant? In just seven months you have already seen it spread across the globe and it is now more dominant variant specially nga po sa India, UK at kasama po ang United States,” ayon kay Dr. Alethea De Guzman ng DOH-EB na isa sa mga panauhin sa ginanap na press briefing ng Palasyo kahapon Hulyo 15.
Binigyang diin ni Dr. De Guzman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bakuna laban sa Delta variant.
Base anya sa inisyal na pag-aaral, epektibo ang mga bakuna at napakahalaga na dalawang doses ang maibigay para makamit ang magandang efficacy rate, bagamat may pagkakaiba sa efficacy rate ay hindi naman nangangahulugan na may mas magaling laban sa isa, na kung saan lahat ay nagpapakita ng higit 50% efficacy na mas mahalaga kaysa sa wala kung hindi nagpabakuna.
“Pero ito naman po iyong magandang nakikita natin. Epektibo po ang ating mga bakuna at napakahalaga na dalawang doses ang maibigay po sa atin para maabot po natin iyong magandang efficacy rate”, ani De Guzman.
Samantala, pinaigting ang paghahanda ng One Hospital Command Center (OHCC) sa pamamagitan ng pagdadagdag ng 50 linya ng telepono na tatanggap ng tawag mula sa publiko kung sakaling magkaroon ng local transmission ang Delta variant sa bansa, ayon kay Dr. Bernadett Velasco, Operations Manager ng OHCC.
Ito aniya ay karagdagang linya ng telepono sa kasalukuyang 10 hanggang 12 linya ng OHCC. (MBP/PIA-IDPD)