No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Tuloy ang ayuda sa Maynila

Sagot ni Mayor Isko sa kahirapan sa gitna ng pandemya

Francisco 'Isko Moreno' Domagoso, Punong Lungsod ng Maynila

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Binigyang diin ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang importansya ng pagkakaroon ng isang gobyernong tumutugon at lumilingon sa pangangailangan ng publiko.

Sinabi ni Domagoso sa kanyang ikatlong State of the City Address, Martes, na umiral sa buong Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagtulong at malasakit sa bawat pamilyang Manilenyo.

"Ang pagtugon sa pandemya ay hindi lamang track, test, treat, mayroong pang-apat na mahalaga na “T”, ito ang Tulong because Covid kills by hunger too.  Its most dangerous comorbidity is poverty," ani Domagoso.

"Covid does not only prey on the physically unhealthy but also on the financially weak. Although we observe social distancing to stop Covid, we practice social solidarity to fight its effects," dagdag ng Alkade.

Ilan sa mga tulong na inihatid ng lokal na pamahalaan ay ang pamamahagi ng buwanang tulong pinansyal para sa tinatayang 15,000 na mga lolo't lola, 21,800 na PWD, 5,000 na solo parents, 17,000 na estudyante sa kolehiyo, at 5,000 na mag-aaral sa Grade 12.

Alinsunod naman sa adhikain ni Domagoso na walang magugutom sa Maynila, naglunsad ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng COVID-19 Food Security Program (FSP) upang tugunan ang kumakalam na sikmura ng bawat Manilenyo.

Sa ilalim ng nasabing programa, nakapaghatid ng FSP boxes ang iba't ibang sangay ng gobyerno sa humigit kumulang na 692,000 pamilya sa loob ng anim na buwan.

"Pinilit natin maging makatao. Gaya ng lagi kong sinasabi, ang pandemyang ito, walang tinuturong jurisdiksyon, walang tinuturong katayunan sa lipunan. Lahat pwedeng tamaan," ani Domagoso.

Maliban dito, umabot sa 22,563 na katao ang nasagip ng emergency and rescue units ng pamahalaan mula sa iba't ibang uri ng peligro, 3,742 pamilyang nasunugan ang nabigyan ng tulong pinansyal, at 8,548 na walang bahay ang kinupkop.

Inakay rin ng kasalukuyang administrasyon ang may mga kapansanan kung saan namigay ito ng tinatayang 460 wheelchairs, walkers, at walking aids. Umabot naman sa 3,000 na kabataan na may espesyal na pangangailangan ang binigyan ng pansin.

"Buti na lang po dito sa Maynila, may ibang uri ng epidemic, not the vicious but the virtuous kind, that is the epidemic of compassion," ani Domagoso. (MPIO/PIA-NCR)

About the Author

Susan De Leon

Assistant Regional Head

NCR

IO 3

Feedback / Comment

Get in touch