MAYNILA, (PIA) -- Nanindigan ngayong araw si Senator Win Gatchalian na dapat makatanggap ang mga nagbabalak maging guro ng dekalidad na edukasyon sa kolehiyo pa lamang o sa kanilang pre-service training.
“Sa pagreporma natin sa sistema ng edukasyon, hindi na tayo pwedeng bumalik sa nakasanayan na nating gawin, at isa sa mga dapat nating tutukan ay ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon ng ating mga guro. Kung magagawa natin ito, mapapaigting natin ang kanilang kakayahan at kahandaang maghatid ng dekalidad na edukasyon sa ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
Ito'y bagaman makatutulong din sa professional development ng mga guro ang mga training o pagsasanay kapag nagsimula na silang magturo o ang tinatawag na in-service training.
Ani Gatchalian, ang pag-reporma sa sistema ng edukasyon para sa mga guro ang isa sa mga panukala ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture noong una nitong kinilala noong 2020 na ang sektor ng edukasyon ay nababalot sa isang krisis.
Bagama’t mas madali ang pagkilala at pagdeklara ng isang krisis dahil sa mababang mga marka ng mga mag-aaral ng bansa sa mga international large-scale assessments, mas mahalaga para kay Gatchalian ang pagsulong at pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma upang mawakasan ang naturang krisis.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na karamihan sa mga nagtapos sa Teacher Education Institutions (TEIs) sa bansa ay hirap makapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET). Mula 2010 hanggang 2019, tatlumpu’t limang (35) porsyento lamang ang nakapasa para sa secondary level, samantalang dalawampu’t walong (28) porsyento naman ang nakapasa sa elementary level.
Isa ring hamon ang kahandaan ng mga guro sa pagtuturo ng K to 12 curriculum. Maliban sa mga English elementary teachers, hirap ang mga pangkaraniwang guro sa elementarya at high school na masagutan ng tama ang kalahati sa mga tanong ng mga subject content tests, ayon sa isang ulat ng World Bank at Australian Aid noong 2016.
Upang i-angat ang kalidad ng pagtuturo at pagsasanay sa mga guro, isinusulong ni Gatchalian sa Senate Bill No. 2152 o ang Teacher Education Excellence Act ang pagpapatatag sa Teacher Education Council (TEC) upang lalo pang mapaigting ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Sa pamamagitan nito, matitiyak ang ugnayan ng pre-service at in-service training ng mga guro sa bansa. Kasunod nito ang pag-angat ng kalidad ng mga guro at ang edukasyon sa mga paaralan sa elementarya at high school, paliwanag ni Gatchalian na sponsor ng panukalang batas. (OSWG/PIA-NCR)