LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Abot sa 30 kabataan mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Datu Salibo, Maguindanao ang sumailalim kamakailan sa tatlong araw na Youth Leadership Training na ginanap sa Barangay Magaslong sa nasabing bayan.
Ito ay isinagawa sa pangunguna ng 6th Infantry (Redskin) Battalion, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Datu Salibo, at Padayon Mindanao Youth Organization (PAMIYOO).
Isinagawa sa nasabing aktibidad ang serye ng mga pag-uusap, dayalogo, at team building activity na may layuning pagtibayin ang samahan ng kabataan at mahasa ang kanilang potensyal bilang isang lider.
Sa kanyang naging pahayag, ipinaalala ni Datu Salibo Mayor Solaiman Sandigan na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Hinikayat din niya ang mga ito na mag-aral nang mabuti at maging mabuting halimbawa sa iba upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lugar.
Samantala, pinaalalahan naman ni 6IB Commanding Officer Lt. Col Charlie Banaag ang mga partisipante na huwag maniwala sa mga maling ideyolohiya ng mga teroristang grupo, sa halip ay maging bahagi ng pagsisikap na makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa lugar.
Tema ng isinagawang aktibidad ay: “Empowering the Youth Towards Peace and Development”. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from 6IB).