Buwan ng Nutrisyon sa Palawan, nakatuon sa kalusugan ng mga buntis

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Sa temang “Malnutrisyon Patuloy na Labanan, First 1000 Days Tutukan,” kung kaya’t nakatuon sa pangangalaga sa kalusugan ng mga buntis ang pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon sa Palawan ngayong taon.
Sa paglulunsad ng pagdiriwang na ito noong unang linggo ng Hulyo sa Sitio Tabodniayo, Barangay Bancalaan sa munisipyo ng Balabac, ay nasa mahigit 30 mga buntis ang nakiisa dito.
Dito, ipinaliwanag ni Palawan Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) Rachel Paladan ang kahalagahan ng first 1000 days ng isang bata upang lumaking malusog at maiwasan ang malnutrisyon. Tinalakay din niya ang wastong pangangalaga ng kalusugan ng isang ina sa panahon ng pagbubuntis.
Kasabay ng aktibidad ay namahagi rin ng buntis kit ang Provincial Nutrition Office (PNO) para makatulong sa pagpapanatili ng maayos na kalusugan at kalinisan bago ang kanilang araw ng panganganak. Ang buntis kit ay naglalaman ng sabon, face towel, alcohol, bulak, betadine at iba pa.
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon ay pinangunahan ng Provincial Nutrition Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan katuwang ang Pamahalaang Barangay ng Bancalaan.
Samantala, ipinapaliwanag naman ni Jenevil V. Tombaga, Maternal Health Program Manager mula sa Palawan Provincial Health Office ang paglalagay ng Progestin Sub-dermal Implants (PSI) sa mga nanay sa barangay Bancalaan munisipyo ng Balabac, Palawan.
Ang PSI ay isang paraan na nakapaloob sa Long-Acting and Permanent Family Planning Methods para sa pagpaplano ng pamilya. Sa pamamagitan nito ay hindi mabubuntis ang isang babae sa loob ng tatlong taon.
Ang pagbibigay ng family planning methods ay hindi sapilitan, ito ay palagiang nakaayon sa kagustuhan ng isang ina na tumangkilik sa naturang mga pamamaraan. Bahagi rin ng programang ang pagpili ng mga pamamaraan ng mga ina kung ano ang kanilang tatangkilin at mainam para sa kanilang kalusugan.
Ang Family Planning o wastong pagpaplano ng pamilya ay nakapaloob sa Republic Act 10354 o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law of 2012 (RH Law). (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan/may kasamang ulat mula sa Provincial Information Office)