No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: 6 bayan sa OrMin, binaha dulot ng habagat ni 'Fabian'

Tagalog News: 6 bayan sa OrMin, binaha dulot ng habagat ni 'Fabian'

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Bunsod ng walang humpay na pag -buhos ng ulan dala ng hanging habagat at ng papalabas na bagyong ‘Fabian,’ binaha ang anim na bayan sa lalawigan na naging sanhi ng paglikas ng mahigit 1,000 pamilya.

Sa datos na inilabas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) dakong 9:00 p.m. noong Hulyo 22, ang bilang ng mga pamilyang nailikas ay nasa 1,049 o 4,804 na indibidwal, habang ang mga binahang barangay ay naitala sa bayan ng Puerto Galera – 4; Victoria – 2; Lungsod ng Calapan – 20; Naujan – 22; at apat sa Baco.

Ang matinding inabot ng baha sa Naujan ay ang mga barangay ng Arangin, Aurora, Mulawin, Mahabang Parang at San Luis kung saan umabot sa mahigit baywang ang taas ng tubig baha at sa Calapan ay sa mga barangay ng Sta. Rita, Patas at Canubing 2.

Makikita ang pinsalang idinulot ng tatlong araw na pag-ulan kung saan bubong na lamang ang nakalitaw dahil sa tubig baha sa Sitio 5, Brgy. Aurora Naujan (Kaliwa) habang gumuho naman ang isang istraktura (kanan) papasok ng Brgy. Aurora. (screenshot mula sa video ni Bokal Marion Marcos)

Umikot din si Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor sakay ng isang payloader truck para makita ang pinsalang idinulot ng matinding baha sa nasabing dalawang bayan kasabay ng pamamahagi ng mga food packs sa mga pamilyang nasa evacuation center.

Kinakapanayam ni Gob. Bonz Dolor (naka jacket na itim) ang grupo ng mga residente sa Brgy. Sta. Rita sa lungsod ng Calapan na nasa tabing kalsada. (Larawan ng PIO-OrMin)
Binahang bahagi sa Sitio Curva, Brgy. Pinagsabangan 2, Naujan. (Larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Patuloy pa rin sa pangangalap ng datos ang pamahalaang panlalawigan at PDRRMO sa mga lugar na naapektuhan partikular ang hanay ng agrikultura kung magkano ang danyos na inabot dulot ng kalamidad.

Samantala, ayon sa Pagasa ay hindi pa tapos ang pag-uulan ng ‘enhanced’ habagat. Inaasahan na hanggang sa unang bahagi pa ng susunod na linggo tatagal ang maulap na papawirin at pabugo-bugsong ulan.

Itinaas din ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa lalawigan ang Red Rainfall Warning noong ng umaga ng Hulyo 22 na ang ibig sabihin, asahan ang matinding pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa. (DPCN/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch