Photos courtesy of DepEd-NCR.
LUNGSOD PASIG, (PIA) -- Masayang ibinalita ng Department of Education Schools Division Office Navotas Office Proper na 100 porsiyento (100%) ng kanilang mga kawani ay bakunado na kontra COVID-19.
Pahayag ni Navotas Division Information and Communications Officer Dr. Marco D. Meduranda, ang magandang pangyayaring ito ay magiging daan upang matulungan na maabot ang lahat ng dapat mabakunahan at mapabilis ang herd immunity nang makabalik na ang mga mag-aaral sa paaralan at ang lahat sa normal.
Nagpasalamat si Meduranda sa lokal na pamahalaan sa pag-aasikaso sa kanilang hanay.
“The SDO is in constant communication with LGU especially on the number of school personnel that can be accommodated in vaccination areas. The Division conveys its deep appreciation and profound gratitude to the vaccination program of the LGU and all its efforts in managing the COVID 19 health crisis in the city,” pahayag ni Dr. Meduranda.
Ang nasabing bilang ng mga nabakunahang empleyado ay nakatulong na makamit ang target na 150,000 na bakunadong Navoteño. Naiakyat din nito ang bilang ng mga nabigyan ng bakuna sa lungsod sa 138,003. 95,667 rito ang first dose at 42,336 naman ang second dose.
Patunay ang SDO Navotas at ang kanilang lokal na pamahalaan na kayang masolusyunan ang anumang problema sa pamamagitan ng magandang ugnayan at pagtutulungan.
Isinusulong ng Kagawaran ng Edukasyon ang kaligtasan ng mga kawani nito kasabay ng kampanya para sa ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes sakaling payagan na ito ng Malakanyang. Naniniwala ang liderato ni Kalihim Leonor M. Briones na magagawa lamang ito sa pamamagitan ng pagbabakuna ng mga kaguruan at kasapi nito. (DepEd NCR/PIA-NCR)