PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Nabakunahan na para sa 1st dose ng Aztrazeneca vaccines ang karamihan sa mga lokal na mamamahayag na nakatira sa lungsod ng Puerto Princesa.
Kabilang kasi ang mga mamamahayag sa nabakunahan sa unang araw ng vaccination roll-out noong Hulyo 27, para sa kabilang sa mga A4 priority group.
Ayon kay Alyansa ng Mamamahayag sa Palawan Inc. (APAMAI) Preident Ka-Damian Lacasa Jr ng Radyo Pilipinas-Palawan, napakahalaga nito para magkaroon ng proteksyon laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
“Napakahalaga ng vaccination para sa hanay nating mga mamamahayag lalo pa’t sinasabi ng ating Pangulong Rodrigo Duterte na vaccination is the answer to have protection at tayo ay magiging empowered kung tayo ay vaccinated," ani Lacasa.
Iginiit niya pa na dapat ay ginagawa rin ng isang mamamahayag kung ano man ang kaniyang ipinapahayag sa radyo, telebisyon at iba pang media platform lalo na kung patungkol sa vaccination program kaya mahalaga na mabakunahan rin ang mga media practitioner.