LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) --Binigyang prayoridad ng ilang lokal na pamahalaan sa Laguna ang mga senior citizens at persons with comorbidities sa pagbabakuna ng ‘single-dose’ na bakunang gawa ng Johnson & Johnson (J&J).
Sa San Pablo City, mahigit 300 senior citizens ang nabakunahan ng J&J vaccine nitong Biyernes, Hulyo 23.
Ayon sa pamahalaang lungsod ng San Pablo, binigyang prayoridad nila ang mga kabilang sa A2 priority group upang hindi na nila kailanganin pang bumalik para sa ikalawang dose ng bakuna.
Inilaan din ng pamahalaang bayan ng Pagsanjan ang mga J&J vaccines na natanggap nito mula sa lokal pamahalang nasyunal para sa mga senior citizens at adult with comorbidities. Magsisimula ang rollout ng bakuna sa darating na Martes, Hulyo 27.
Sa ngayon, patuloy ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Laguna sa pagbabakuna sa mga senior citizens, persons with comorbidities, essential frontliners, at indigent population na kabilang sa A1 hanggang A5 category.
Ang J&J vaccine ang ika-anim na brand ng bakuna sa bansa na binigyan ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration upang magamit sa mass vaccination program ng pamahalaan kontra COVID-19.
Batay sa datos ng Department of Health Center for Health Development Calabarzon, may 320,000 kabuuang dose ng J&J vaccines na natanggap nito sa pamahalaang nasyunal ang ipinamahagi nito sa 501 vaccination centers sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Aabot naman sa mahigit 1.9 milyon dose ng iba’t ibang brand ng bakuna ang naiturok nito sa mga indibidwal na kabilang sa prayoridad na grupo sa Calabarzon.
Sa Laguna, may 303,974 indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19 kung saan 91,532 sa mga ito ang fully vaccinated o nakatanggap na ng kumpletong dose ng bakuna. — MO, FC, PIA4A