May kaalaman na sa basic basket weaving ang karamihan sa mga dumalong partisipante pero kailangan pa rin silang turuan ng iba’t ibang uri ng bag, tulad ng pouch, at mga disensyo. (DTI-NC/ Occ Mdo)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Sumalang kamakailan sa isang pagsasanay sa paggawa ng mga basket at bag mula sa dahon ng Buri ang 15 katutubong Buhid ng Barangay Paclolo, Magsaysay.
Ang nasabing pagsasanay ay pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) Occidental Mindoro, sa pamamagitan ng Negosyo Center.
Ayon kay Joanne Abeleda Langit, tagapamahala ng DTI-Negosyo Center sa Magsaysay, may kaalaman na sa basic basket weaving ang karamihan sa mga dumalong partisipante pero kailangan pa rin silang turuan ng iba’t ibang uri ng bag, tulad ng pouch, at mga disensyo.
Ani Langit, malaking tulong sa mga Katutubong Buhid kung bukod sa pagtatanim, na pangunahin nilang ikinabubuhay, ay magkakaroon sila ng karagdagang pagkakakitaan. Dagdag pa ni Langit, maganda ang mga nagawang bag at basket ng mga partisipante sa isang araw na aktibidad, at naniniwala aniya sila na higit pang gaganda ang mga gawang produkto ng mga ito kung mabibigyan ng mas mahabang pagsasanay.
Upang maisakatuparan ang ideya na higit na mapahusay sa paggawa ng mga native bags at baskets ang mga katutubo, sinabi ni Langit na kailangan ang interbensyon ng pamahalaan. Dapat aniyang masuportahan ang pagbibigay sa mga ito ng arawang kita habang nagsasanay upang may maiuwi silang pera para makabili ng pagkain ng pamilya. “Kailangan din ang pondo para sa mga gagamiting materyales at higit sa lahat ay ang maikonekta sa mga kliyenteng bibili ng kanilang mga finished products” saad pa ni Langit. (VND/PIA MIMAROPA)