LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Abot sa 1,240 mahihirap na Person with Disability (PWD) mula sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nakatanggap kamakailan ng tulong pinansyal mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng BARMM.
Ang bawat PWD mula sa mga bayan ng Kabacan, Carmen, at Pikit sa North Cotabato ay nakatanggap ng tig P6,000. Ito ay sa ilalim ng banner program ng MSSD na “Kalinga Para sa May Kapansanan Program.” Kinikilala ng nasabing programa ang social protection at karapatan ng mga PWD, lalo na ang mga disadvantaged at underprivileged na mga sektor.
Ang ayuda ay ibinigay upang suportahan ang mga PWD sa pagbili ng mga gamot at iba pang mga pang araw-araw na pangangailangan nila.
Magpapatuloy naman ngayong linggo ang payout para sa mga benepisyaryo sa iba pang mga lugar na nakapaloob sa SGA ng rehiyon.
Samantala, nagsimula na rin ang MSSD sa pamamahagi ng assistive devices para sa mga PWD sa SGA. Benepisyaryo ang bayan ng Pikit kung saan apat na wheelchair, isang quadcane, isang cane, isang folding cane para sa bulag, at isang crutches ang ipinamahagi. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from MSSD-BARMM).