Ang mga hotspots na ito ay matatagpuan sa ilang lugar sa mga munisipyo ng Alcantara, Banton, Calatrava, Romblon, San Fernando at San Jose. (Screengrab from DICT LC3)
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Pormal nang pinaandar sa Hulyo 30 ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang 69 internet hotspots sa Romblon na itinuturing na Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA.
Ang mga hotspots na ito ay matatagpuan sa ilang lugar sa mga munisipyo ng Alcantara, Banton, Calatrava, Romblon, San Fernando at San Jose.
Sa isang recorded message ni DICT Secretary Gregorio “Gringo” B. Honasan, sinabi nito na layunin ng Free Wifi For All (FW4A) program ay ang mapabuti ang internet access upang mailahok ang lahat ng Pilipino sa digital economy nasaan man sila sa bansa.
Kabilang sa mga gusaling nalagyan ng Free Wifi sa Romblon ay mga barangay hall, covered court at ilang day care centers.
Ang nasabing inisyatibo ay pinangunahan ng DICT's Luzon Chapter 3 sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa Robmlon.
Nagbigay ng pasasalamat sa DICT at sa gobyerno ang mga barangay officials na nakatanggap ng proyektong ito kabilang na si Tagong, Banton Barangay Captain Necito Faderanga na sinabing malaking bagay ang FW4A program ng DICT lalo na sa mga estudyanteng kailangan ng internet access sa kanilang pag-aaral.
Maliban sa mga opisyal ng 23 barangay na benepisyaryo ng programa, dumalo rin sa nasabing virtual ceremonial launching ang mga opisyal ng DICT Luzon Chapter 3, mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan, at mga alkalde ng nabanggit na bayan. (PJF/PIA Mimaropa)