No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

ARBs ng Magsaysay, benepisyaryo ng proyektong Buhay sa Gulay

ARBs ng Magsaysay, benepisyaryo ng proyektong Buhay sa Gulay

Ang Buhay sa Gulay, ay isang napapanahong programa na naglalayong makapag-supply ng pagkain sa mga benepisyaryo, lalo ngayong pandemya. (LGU Magsaysay)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hulyo 31 (PIA) – Tinanggap kamakailan ng 43 kasapi ng Homestead Farmer’s Association (HFA) ng Barangay Lourdes, Magsaysay ang iba’t ibang benepisyo sa ilalim ng proyektong Buhay sa Gulay ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Kabilang sa mga iginawad sa HFA ay mga pananim na binhi, fertilizer, at iba pang support services mula DAR at Department of Agriculture (DA), habang nagbigay naman ang pamahalaang lokal (LGU) ng water pump with suction hose, 300 metro ng P.E. Pipe at duct hose. Sinabi ni Mayor Cesar Tria, na patuloy na makakaasa ang HFA sa tulong ng kanyang tanggapan, sakaling kailanganin ito ng samahan.

Ang Buhay sa Gulay, ayon kay Nomer Sebastian, OIC- Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO), ay isang napapanahong programa na naglalayong makapag-supply ng pagkain sa mga benepisyaryo, lalo ngayong pandemya. Aniya, sumusuporta din ito sa Zero Hunger Program na pinagungunahan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Sinabi rin ni Sebastian na ang nabanggit na proyekto ay hango sa isang programa na matagumpay na ipinatupad sa Tondo, Maynila, Quezon City, at gayundin sa kapatid na lalawigan ng Oriental Mindoro. “Bukod sa meron ka nang tiyak na makukuhang pagkain, maaari pang ibenta ang mga sobrang gulay sa iyong kapitbahay,” saad ng opisyal.

Paliwanag pa ni Sebastian, upang higit na matiyak ang tagumpay ng programa ay nagkaroon ng convergence ang ilang ahensya.  Aniya, katuwang ng DAR ang LGU Magsaysay, at gayundin ang DA-Mimaropa.

Ang nabanggit na Buhay sa Gulay project ay kauna-unahan sa probinsya at inaasahan ni Sebastian na magkakaroon pa ng kahalintulad na programa sa iba pang Agrarian Reform Communities sa lalawigan. (PIA/MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch