Ang nasabing proyekto ay kinapapalooban ng 17 shallow tube wells (STW) with engine na libreng ibinigay sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) . (NIA Occ Mdo)
SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hulyo 30 (PIA) – Iginawad sa 28 magsasaka ng Paluan ang Alpha Pump Irrigation Project (PIP) ng National Irrigation Administration (NIA) at Department of Agrarian Reform (DAR), na nagkakahalaga ng higit P4 milyon.
Ang nasabing proyekto ay kinapapalooban ng 17 shallow tube wells (STW) with engine na libreng ibinigay sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) upang mapatubigan ang may 60 ektaryang sakahang lupa sa Barangay Alipaoy at Harrison sa nabanggit na bayan.
Sinabi ni Edwin Arevalo, Senior Institutional Development Officer ng NIA Occ Mdo, na ibinatay sa mga kahilingan ng mga magsasaka ang naturang proyekto. “At hindi lang ito basta shallow tube wells,” ani Arevalo, kasama sa programa ang paghahanap ng lokasyon kung saan ilalagay ang mga STW, mga tubo at ibang kagamitan gayundin ang labor expenses sa pagtatayo nito.
Kwento pa ni Arevalo, ikalawang pamamahagi na ito sa mga ARBs ng dalawang barangay. Unang nai-turn over ang 25 STW, noong 2020.
Ayon pa sa opisyal ng NIA, magpapatuloy ang kahalintulad na programa mula sa kanilang ahensya upang makatulong sa hangarin ng pamahalaan na magkaroon kasapatan sa pagkain ang bansa. (VND/PIA MIMAROPA)