LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Nasa kabuuang 24 na mga micro, small and medium enterprise (MSME) mula sa lungsod ng Cotabato at probinsya ng Maguindanao ang sumailalim kamakailan sa tatlong araw na entrepreneurial skills training dito sa lungsod.
Ito ay isinagawa ng Ministry of Trade, Investments and Industry ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MTIT-BARMM) bilang kabahagi sa isang linggong pagdiriwang ngayong taon ng MSME na may temang “Bangsamoro MSMEs: Go! Grow! Glow! For Resiliency, Development and Sustainability.”
Ang mga pagsasanay na isinagawa ng ministry ay Entrepreneurial Skills, Financial Literacy, Good Manufacturing Pratices (GMP), Hazard Analysis Critical Control Point (HACCP), Product Development including Branding, Packaging and Labelling, at Digital Literacy Skills Training.
Samantala, hinikayat naman ni MTIT Minister Abuamri Taddik ang mga nakilahok na mas maging aktibo sa sektor ng negosyo, lalo na't higit na naapektuhan ng pandemya ang ekonomiya sa rehiyon.
Bilang pagtatapos sa nasabing pagsasanay ay iprenesenta ng mga MSME at kinonsulta ang kanilang mga produkto kay Product Development speaker Christopher Gomez mula sa Chromez Industrial Services.
Nagbigay din si Gomez ng mga tip at payo sa bawat may-ari ng negosyo para sa wastong branding, labelling, at packaging ng mga produkto. (With reports from BIO-BARMM).