No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: 27 bagong ambulansiya, ipinamahagi sa lahat ng barangay ng Gloria LGU

27 bagong ambulansiya, ipinamahagi sa lahat ng barangay ng Gloria LGU

Binasbasan ni Fr. Buhay Villaluna ang 27 bagong ambulansiya na ipinagkaloob ng pamahalaang bayan ng Gloria sa lahat ng barangay upang magamit sa pangangailangang medikal ng mamamayan ng barangay. (kuha ng Gloria Municipal Gazette)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Matapos ang maikling seremonya at iginawad ang pagbabasbas, agad ipinamahagi ni Mayor German Rodegerio ang 27 bagong Mitsubishi L300 na ambulansiya o rescue vehicle sa lahat ng barangay sa bayan ng Gloria na isinagawa sa Brgy. Sta. Maria kamakailan.

Sinabi ng punong bayan sa kanyang talumpati, “unang dumating ang 13 unit noong Enero 25 at hindi ko agad ito ipinamahagi dahil nais kong makumpleto ang lahat. At ito na nga ang ating pinakahihintay, ang 14 pang sasakyan na sadya naming inilaan para sa lahat ng 27 barangay sa ating mahal na bayan.”

Dagdag pa ni Rodegerio, layunin nito ay mas mapapadali ng maihatid ang mga mamamayan ng barangay sa mga hospital upang agad na malapatan ng paunang lunang at hindi na kailangan pang humiram o tumawag pa sa mga ospital para sa kailangang ambulansiya.

Ang pondo na ginamit anya na pambili ng mga ambulansiya ay nagmula sa 20 porsiyento development fund at limang porsiyento naman ay galing sa Municipal Risk Reduction Management (MDRRM) fund ng lokal na pamahalaan.

Kasama din sa pagpopondo sa proyekto ang paglalaan ng P20,000 annual budget na siyang nakatakda para sa gasoline allowance ng mga ambulansya  na siyang magsisilbing financial assistance, habang ang pondo sa insurance at maintenance ay magmumula sa pondo ng barangay.

Dumalo din sa nasabing aktibidad ang kinatawan ng segunda distrito sa kongreso na si House of Representative Alfonso Umali, Jr., Secretary Atty. Abdullah Mama-o ng Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Concern and Muslim Affairs at mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Nagbigay ng mensahe si Cong. Alfonso Umali, Jr. (dulong kaliwa); Atty. Abdullah Mama-o (gitna); at Gloria Mayor German Rodegerio. (Kuha ng Gloria Municipal Gazette)

“Tanging bayan lamang ng Gloria sa buong lalawigan ang mayroong ambulansiya sa bawat barangay kaya dapat natin itong alagaan upang mapakinabangan ng ating mga ka-barangay,” pagtatapos ni Rodegerio. (DPCN/PIA-OrMin/Gloria LGU)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch