LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Ang paggamit ng digital payment tulad ng GCash at StarPay sa pamamahagi ng ayuda ay desisyon na ng mga lokal na pamahalaan, ayon kay Social Welfare Secretary Rolando Bautista.
“Ayon na rin sa LBC (Local Budget Circular) No. 138 katulad ng nabanggit natin, the LGU shall determine the most efficient and effective way of release of assistance at sila ay may option na makipag-engage sa financial service providers (FSPs) para maipamahagi ang ayuda sa loob ng 15 calendar days na itinakdang deadline alinsunod sa JMC,” paliwanag ni Bautista sa ginanap na virtual press briefing sa Malacanang ngayong araw.
Kinumpirma din ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na ang Lungsod ng Makati ay nagpahiwatig na gagamit ng GCash sa pamamahagi ng ayuda.
Samantala, sinabi naman ni Bautista na ang ayudang ibinigay sa mga LGU ay para sa cash assistance ngunit sakaling mag request ang sinumang LGU ng food assistance ay handa namang mamahagi ang DSWD.
Ayon pa kay Bautista gagamitin ng mga lokal na pamahalaan ang enhanced list database ng mga benepisyaryo mula sa nakaraang pamamahagi ng ayuda sa NCR plus areas noong April to May 2021. Tiwala din aniya ang DSWD na nasala na ng LGU ang listahan nila dahil ito din ang isinumite nila sa kanilang mga liquidation report sa Department of Budget Management (DBM) at Commission on Audit .
“Nasa 10.9 million individuals or bottom 80% ng populasyon sa Metro Manila ang makikinabang sa cash aid. Nasa 10.894 billion ang ini-release na financial assistance ng DBM para sa affected individuals and households sa Metro Manila na inilagay sa ECQ,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry, Roque Jr.
May karagdagan pondo na ilalabas para naman sa Laguna at Bataan, dagdag pa ni Roque (MBP/PIA/IDPD)