No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Learners with disabilities enrollment rate, pinatututukan

MAYNILA, (PIA) -- Pinatututukan ni Senator Win Gatchalian ang mas agresibo at mabisang pagpapatupad ng “Child Find System” o CFS upang matukoy, makita, at masuri ang mga learners with disabilities o mga kabataang may kapansanan na hindi nakatatanggap ng edukasyon, kasunod ng anunsiyong magsisimula na sa susunod na linggo, Agosto 16, ang enrollment sa mga pampublikong paaralan para sa School year 2021-2022.

Bago pa tumama ang COVID-19 pandemic, hirap na ang mga learners with disabilities na maging bahagi ng general education system sa bansa, paliwanag ni Gatchalian. Bagama’t tinataya ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may mahigit limang milyong kabataan sa bansa ang may kapansanan, halos kalahating milyon (439,700) lamang ang mga learners with disabilities na naka-enroll sa mga paaralan ng DepEd.

Lalo pang lumalala ang mga hamong kinakaharap ng mga learners with disabilities dahil sa pandemya. Ayon sa “Rapid Survey on the Situation of Children with Disabilities in the Context of COVID-19” na isinagawa ng Save the Children noong Mayo 2020, halos limampung (48) porsyento ng may 4,066 na mga kalahok ang nagsabing hindi sila makatanggap ng serbisyong pang-edukasyon dahil sa quarantine measures.

Sa Senate Bill No. 1907 o ang "Instituting Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act," ipinaliwanag ni Gatchalian na ang panukalang pagpapatayo ng Inclusive Learning Resource Center of Learners with Disabilities (ILRC) ay bibigyan ng mandatong ipatupad ang CFS.

Itinuturing na puso ng Senate Bill No. 1907 ang mandatong walang mag-aaral na may kapansanan ang pagkakaitan ng pagkakataong makapasok sa anumang pampubliko o pribadong paaralan.

Sa pamamagitan ng inclusive education, matutulungan natin ang mga mag-aaral na may kapansanan na makatanggap ng dekalidad na edukasyon at sapat na mga serbisyo. Sa panahong itinataguyod natin ang new o better normal, walang mag-aaral ang dapat mapag-iiwanan dahil sa kanilang kapansanan,” pahayag ni Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa ilalim ng panukalang batas, bawat lungsod at munisipalidad ay magkakaroon ng isang ILRC. Maliban sa pagpapatupad ng CFS, ang mga ILRCs na ito ay magbibigay ng mga serbisyong tulad ng linguistic solutions para sa deaf learners, speech-language pathology and audiology services, physical at occupational therapy, counseling at rehabilitation, serbisyong pang-medikal, transportasyon, at iba pa. 

Ang panukalang ILRC ay magkakaroon ng multidisciplinary team na bubuuin ng mga propesyonal, kabilang ang mga special education teachers, mga psychologist, guidance counselors, social workers, interpreters, at iba pang allied medical professionals. (OSWG/PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch