
LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Nasa kabuuang 824 na informal worker mula sa Barangay Poblacion 9 at Bagua 1 sa lungsod ng Cotabato ang nakatanggap kamakailan ng tulong pinansyal mula sa Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MSSD-BARMM).
Ito ay sa pamamagitan ng Cash for Work (CFW) Program ng ministry kung saan ang bawat benepisyaryo ay nabigyan ng P2,750.
Kabilang sa mga nakatanggap ay mga magsasaka, drayber ng motorsiklo at pampublikong transportasyon, mangingisda, karpintero, at construction worker na ang araw-araw na kita ay lubhang naapektuhan ng pandemya.
Sila ay nakapagbigay serbisyo sa kani-kanilang mga komunidad sa loob ng 10 araw.
Kabilang sa community services na kanilang ginawa ay ang canal at river dredging, communal gardening, tree-planting, barangay road clearing, soil piling, at paglilinis ng paligid ng mga pasilidad sa kanilang mga barangay.
Ang CWF ay isa sa mga social intervention ng MSSD para sa mga displaced, disadvantaged, at distressed individual sa pamamagitan ng pagbibigay ng panandaliang trabaho na nakatuon sa community-building projects. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from MSSD-BARMM).