LUNGSOD NG COTABATO (PIA) – Bilang pagtatapos ng ika-43 selebrasyon ng National Disability and Rehabilitation Week sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang Ministry of Health (MOH) at Ministry of Social Services and Development (MSSD) ay namahagi ng assistive mobility devices sa mga mahihirap na Person with Disability (PWD) sa rehiyon.
Kabilang sa mga assistive device ay wheelchairs, walkers, crutches, at canes.
Noong Agosto 5, ang MSSD ay namahagi ng 46 assistive devices sa PWDs sa mga bayan ng Pagalungan, Parang, at Matanog sa probinsya ng Maguindanao. Namahagi rin ang MSSD ng kaparehong mga assistive device sa 243 mga PWD sa iba pang mga lugar sa Maguindanao, Lanao del Sur, at Special Geographic Area sa North Cotabato.
Nakatakda ring mamahagi ang MSSD ng 650 assistive devices sa iba pang mga probinsya sa rehiyon, 305 mula sa nasabing bilang ay para sa Tawi-Tawi, 100 para sa Sulu, at 245 para sa Basilan.
Sa kabilang banda, noong Agosto 6 ay ibinigay ng MOH ang kaparehong assistive devices sa 21 PWDs sa Lanao del Sur. Ito ay bahagi ng 217 devices at 70 mga pakete ng hygiene kits na ibinigay ng ministry sa Provincial Health Office.
Naglaan din ang MOH ng 79 wheelchairs at 98 assistive devices para sa lungsod ng Marawi.
Ayon kay MOH Minister Dr. Bashary Latiph, ang ministry ay naglaan ng 807 wheelchairs at 850 assistive devices para sa mga PWD sa buong rehiyon ngayong taon.
Dagdag pa ni Latiph, ang nasabing pamamahagi aniya ay nagpapakita na ang pamahalaan ng BARMM ay patuloy na nagmamalasakit sa mga PWD sa rehiyon. (With reports from BIO-BARMM).