No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kabataan sa Kidapawan City kaisa ng pamahalaan kontra iligal na droga

LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng North Cotabato (PIA)--- Kaisa na ngayon ng pamahalaang panlungsod ang grupong Droga ay Iwasan, Labanan at Baklasin o DILAAB-Kidapawan upang mapalakas ang kampanya laban sa iligal na droga.

Ang grupo ay binubuo ng mga estudyanteng lider mula sa iba’t ibang kolehiyo sa lungsod. Ito ay inorganisa noong Hunyo ng nakaraang taon ngunit dahil sa pandemya ay nabalam ang kanilang layuning tulungan ang lokal na pamahalaan.

Sa ngayon, ang DILAAB-Kidapawan ay may 13 miyembro na boluntaryong makikiisa upang hikayatin ang kabataan na umiwas sa iligal na droga at sa halip ay ituon ang pansin sa mga makabuluhang bagay.

Unang gagawin ng grupo ang pagtungo sa mga barangay simula ngayong buwan bilang bahagi ng kanilang advocacy campaign kontra iligal na droga. Sa gawaing ito, isinisiguro ng pamahalaang panlungsod na masusunod ang minimum public health standards laban sa coronavirus disease 2019.  

Samantala, sa ginanap na oath taking ceremony ng mga miyembro ng grupo nitong Lunes, binigyang-diin ni City Mayor Joseph Evangelista ang kahalagahan ng pakikiisa ng kabataan sa kampanya laban sa illegal drugs. Aniya, mas magiging epektibo ang paghihikayat sa kabataan na iwaksi ang iligal na droga kung kapwa kabataan din ang mangunguna sa kampanya.

Inihayag pa ng alkalde na katuwang ang iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Health, Department of the Interior and Local Government, Philippine Drug Enforcement Agency, at Philippine National Police, pinaiigting ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng mga hakbang upang maitaguyod ang isang drug-free na komunidad. (With reports from CIO-Kidapawan)


About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch