LUNGSOD PASIG, (PIA) -- Nagbigay ng ilang paalala ang Pamahalaang Bayan ng Pateros para sa mga kukuha ng kanilang financial assistance.
Sa kanilang Facebook page, ibinahagi ang ilang mga paalala at requirements para sa tatanggap ng ayuda.
Paalala ng pamahalaang bayan, pumunta lamang sa nakatakdang oras at tamang lugar upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at pagsiksikan.
Magdala ng valid Government ID at dalawang (2) xerox copy ng ID na may tatlong (3) pirma ng may ari ng ID.
Kailangan ding magdala ng Authorization Letter kung gagamit ng representante ang benepisyaryo at valid IDs ng benepisyaryo at representante. Kasama rin ang ‘tig dalawang (2) xerox copy ng mga ID na may tatlong (3) pirma.
Sakaling may pagkakamali o hindi pagkakatugma sa pangalan sa listahan o sa ID, kailangang kumuha ng “Certificate of Oneness” sa barangay.
Magdala rin ng sariling ballpen at alcohol upang maiwasan ang hiraman, hawahan at pagkaantala ng proseso.
Paalala rin na ipinagbabawal ang pagkain sa loob ng payout center upang hindi na magtanggal ng face mask at face shield.
Sundin ang itinakdang entry at exit points upang maiwasan ang salubungan.
Para sa listahan ng mga tatanggap ng ayuda, lugar at oras nang pagkuha nito, bisitahin lamang ang official Facebook page ng Pateros https://www.facebook.com/isangPateros.
Para naman sa iba pang katanungan, maaaring tumawag sa inyong Barangay o sa Social Welfare and Development Office sa numerong 86410629. (Pateros/PIA-NCR)