MIDSAYAP, Lalawigan ng North Cotabato (PIA)--- Pinasalamatan ng mga lokal na pamahalaan ng Midsayap at Pigcawayan ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA XII sa ipinatutupad na programang Tulong PUSO o Tulong Pangkabuhayan sa Pag-unlad ng Samahang OFWs.
Nitong Miyerkules, nakatanggap ng abot sa P150,000 halaga ang Kiwanan OFW Family Association ng bayan ng Midsayap at P400,000 naman ang Tubon OFW and Family Association sa bayan ng Pigcawayan. Ang mga nabanggit na halaga ay gagamitin ng mga asosasyon para sa kanilang proyektong pangkabuhayan.
Ayon kay Midsayap Vice-Mayor Manuel Rabara, na siyang kumatawan kay Mayor Romeo Arana sa naganap na pamamahagi, malaking bentahe ang ayuda upang mabigyan ng mapagkakakitaan ang mga benepisaryo.
Hinikayat naman ni Pigcawayan Mayor Jean Dino Roquero ang mga benepisaryo sa kanilang bayan na patuloy na suportahan ang mga adhikain ng OWWA-XII. Umaasa siyang sa pamamagitan nito ay mapalalago ang negosyo ng mga benepisaryo.
Ang Tulong PUSO ay isang one-time grant assistance na naglalayong suportahan ang proyektong pangkabuhayan ng mga organisasyon ng OFWs.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni OWWA-XII Regional Director Marilou Sumalinog na patuloy ang ginagawang pagtulong ng ahensya sa mga miyembro ng OFW family associations lalo na ngayong panahon ng pandemya. (With reports from LGU-Pigcawayan and SB-Midsayap)