MAYNILA, (PIA) -- Muling kinalampag ni Senator Win Gatchalian ang mga opisyal sa sektor ng enerhiya sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente pagdating ng buwan ng Oktubre kung kailan nakatakdang magsagawa ng 20 araw na maintenance shutdown ang Malampaya deep-water gas-to-power project.
Iginiit ni Gatchalian na dapat masiguro ng Department of Energy (DOE) na nasusunod ang Grid Operating and Maintenance Program (GOMP) upang hindi na maulit ang mga insidente ng unplanned at forced outages ng ibang power plants. Binigyan diin ng senador ang pagkakaroon ng sapat na plano lalo na’t 30% ng mga sambahayan o 6.575 milyon na residential customers sa bansa ang umaasa sa suplay mula sa Malampaya.
“Bago ang nangyaring brownouts noong Mayo 31 hanggang Hunyo 2, siniguro sa atin ng mga kinauukulan na may sapat tayong suplay pagdating ng summer, pero nangyari pa rin ang rotational brownouts. Ayoko na sanang ulitin ang panawagan ko sa pangalawang pagkakataon pagkaraan lamang ng apat na buwan,” ani Gatchalian.
“Ayokong maging parang sirang plaka ngunit nais ko silang paalalahanan na hindi natin dapat hayaan na magkaroon muli ng rotational brownouts ngayon kung saan marami sa mga ospital natin ay hindi na halos makayanan ang dami ng pasyenteng may COVID-19 at ang mga bakunang nakalagak sa mga storage facilities ay mapapanis kung mawawalan ng kuryente. Bukod pa dito, ang mga estudyante ay balik na sa kanilang online classes sa panahong yun,” dagdag pa ng senador.
Matatandaan na nagbitaw ng salita ang mga opisyal ng DOE sa pagdinig na isinagawa ng Senate Energy Committee noong Abril 27 na hindi magkakaroon ng power interruption o brownout mula Abril hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Noong mangyari ang rotational brownouts sa ilang lugar sa Luzon dahil sa pagsipa ng dami ng gumagamit ng kuryente at dala na rin ng sobrang init ng panahon, kaagad na tinawag ni Gatchalian ang atensyon ng DOE sa submablay nitong pagtaya ng sitwasyon kaugnay sa suplay ng kuryente.
Sa pinakahuling pahayag ni DOE Undersecretary Felix William Fuentebella, sinabi nyang sasapat ang suplay ng kuryente kahit tumigil ang operasyon ng Malampaya mula Oktubre 2 hanggang 22, huwag lang may masirang ibang planta.
“May sapat na panahon pa para paghandaan ito. Inaasahan nating gagawin ng DOE ang lahat ng paraan upang masiguro ang tuloy-tuloy na daloy ng kuryente sa ating mga tahanan at maiwasan ang posibleng pagsipa ng presyo kung maagap nilang masisiguro ang pagkakaroon ng kapalit na suplay,” sabi ng senador. (OSWG/PIA-NCR)