Ang Indigenious People Mandatory Representative (IPMR) Convention sa VJR hall Capitol Building, Puerto Princesa City noong Agosto 12 sa pangunguna ni Provincial IPMR/Board Member Purita Seguritan.(kuhang larawan ni Mike Escote,PIA-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Isinagawa ang Indigenious People Mandatory Representative (IPMR) Convention sa VJR hall Capitol Building, Puerto Princesa City noong Agosto 12.
Ayon kay Provincial IPMR/Board Member Purita Seguritan, napag-usapan dito ang ibat-ibang usapin na makakaapekto sa kapakanan ng mga katutubo sa lalawigan.
Aniya, kabilang dito ay ang panukalang House Bill 7477 o ang State-Managed Farming na makakaapekto sa lupaing ninuno ng mga katutubo, pagpapanatili ng tradisyon sa pagpapakasal ng mga katutubo, pagbuo ng mga karagdagang voting precincts at hiwalay na presinto para sa mga katutubo.
“Mas maganda na magkaroon sila ng sariling presinto doon mismo sa lugar nila para hindi na sila mahirapan na magbyahe pa sa presinto na malayo sa kanilang lugar,” saad pa niya.
Napag-usapan rin aniya ang tungkol sa darating na halalan sa susunod na taon kung saan nais nilang matiyak na ang mga susunod na lider ng lalawigan at siyudad ay isusulong ang kapakanan ng mga katutubo.
Naging magandang pagkakataon rin aniya ito para magkakilanlan ang mga IPMR na mula sa bahaging norte at sur ng Palawan bagamat hindi katulad noon na napakarami ang mga dumalo dahil kailangang sundin ang minimum health protocols na ipinatutupad sa siyudad sanhi ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ang isang araw na kunbensyon ay dinaluhan ng mga IPMR mula sa ibat-ibang munisipyo sa Palawan at sa Puerto Princesa kasama rin ang kinatawan mula sa National Commission on Indigenious People (NCIP),Legal Network for Truthful Elections (LENTE) at iba pa.(MCE/PIA MIMAROPA)