No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Mini-City Hall sa Puerto Princesa, pinasinayaan na

Mini-City Hall sa Puerto Princesa City, pinasinayaan na

Pinangunahan ni City Mayor Lucilo R. Bayron ang pagpapasinaya sa Mini-City Hall sa Barangay Luzviminda, Puerto Princesa City noong August 12,2021.(larawan mula sa City Mayors Office)

PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Pinasinayaan na ang mini-city hall sa Barangay Luzviminda, Puerto Princesa City noong August 12,2021.

Sa kaniyang talumpati sinabi ni City Mayor Lucilo R. Bayron na ang proyektong ito ay para ilapit ang pamahalaan sa mga mamamayan.

“Yung mga malalayong barangay bigyan natin ng atensyon para makahabol naman sila at sabay na umunlad sa mga barangay na malapit sa bayan”, ani Bayron.

Maglalagay aniya sa mini-city hall ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at mag-iimbak na rin dito ng mga “relief goods” para kung sakaling magkaroon ng sakuna ay mabilis na makakaresponde sa lugar.

Maliban dito ay maglalagay rin ng maliit na fire station at pagkakalooban ng dalawang sasakyan sa susunod na taon ang tanggapan ng pulisya.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Punong Barangay Laddy R. Gemang na sa kaniyang barangay ito naitayo dahil kung may kailangan aniya sila ay sa mini-city hall na sila tutungo at hindi na pupunta pa sa City Hall sa kabayanan.

Sakop ng mini-city hall sa Barangay Luzviminda  ang mga kalapit na barangay sa bahaging sur ng lungsod tulad ng Barangay Mangingisda, Inagawan,Inagawan Sub, Kamuning at iba pa kung saan ito ay pinamumunuan ng itinalagang deputy mayor.

 Ito ay pinondohan ng mahigit P27.8 milyon at isa lang sa apat na proyektong mini-city hall ng  pamahalaang lokal ng Puerto Princesa.(MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch