Ang mga highland vegetables farmers ng Sitio Busngol, Barangay Santa Lourdes, Puerto Princesa City na nabigyan ng mga kagamitan pangsakahan ng City Agriculture Office kamakailan. (Larawan mula sa Puerto Princesa City Agriculture Office)
PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Nakatanggap ng mga karagdagang kagamitang pansakahan mula sa City Agriculture Office ang mga Highland Vegetables Farmers sa sitio Busngol, Barangay Santa Lourdes, Puerto Princesa City kamakailan.
Sa social media post ng Puerto Princesa City Agriculture Office (PPCAO), kabilang sa mga natanggap ng mga magsasaka ay mga karagdagang binhi, abono, pestisidyo, black hose at iba pa.
Ayon sa PPCAO, layunin ng pagkakaloob ng karagdagang suporta ay para mas mapalaki pa ang produksyon ng highland vegetables. Ito ay upang mas lalong mapaunlad at masiguro na tuloy-tuloy ang produksyon ng highland vegetables, ayon sa City Agriculture Office.
Ang mga kagamitan ay libreng ipinagkaloob ng pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa sa mga magsasaka. Nagpapatuloy rin ang pagtatanim ng mga magsasaka ng repolyo, snap beans, Chinese cabbage, lettuce, broccoli at cauliflower.
Matatandaan sa nabanggit na sitio ginawa ang Pilot Production of Highland Vegetables sa siyudad, sa pakikipagtulungan ng Sitio Busngol Farmers Association. (MCE/PIA MIMAROPA)