Hindi ito ang unang beses na may nakitang patay na Dugong sa siyudad dahil ayon kay Administrative Aide II Kate Aeriel Gaite ng City ENRO Enforcement Division Bantay Dagat section, noong nakaraang taon ay may nakitang patay rin na Dugong sa baybaying-dagat ng Barangay Tanabag na may tama rin ng pana at nitong buwan lamang ng Pebrero ngayong taon, isang patay na Dugong na may tama rin ng pana ang nakita malapit sa Navy station sa Barangay Bagong Silang.
Ayon sa City-ENRO, makakatulong ang mga mamamayan para maprotektahan ang mga Dugong sa pamamagitan ng dahan-dahang paglalayag para maiwasang mabangga ang mga ito na kadalasan ay makikita sa ibabaw ng dagat para makahigop ng sariwang hangin.
Samantala, bago inilibing sa Endangered Species Cemetery sa Barangay Sta Lucia, ay nakipag-ugnayan muna ang City-ENRO sa tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) para sa kaukulang dokumentasyon.
Matatandaang ang paghuli o pagpatay sa mga buhay-ilang tulad ng Dugong o Seacow ay mahigpit na ipinagbabawal sa Republic Act 9147 o ang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act” kung saan maaaring magmulta at makulong ang mapapatunayang nagkasala. (MCE/PIA MIMAROPA)