Photo Credit: Provincial Government of South Cotabato
KORONADAL CITY, South Cotabato (PIA) -- Limang lugar sa South Cotabato ang binisita kamakailan ng convergence team ng pamahalaang panlalawigan kaugnay sa patuloy na pagpapatupad ng programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa mga naturang lugar.
Kinilala sa ulat mula sa Provincial Planning and Development Office ng South Cotabato ang mga lugar na kinabibilangan ng San Jose sa Lungsod ng Koronadal, Barangay Cebuano ng Tupi, Sitio Ellaw sa Barangay Laconon sa Tboli, at Barangay Klubi at Barangay Lamfugon sa Lake Sebu.
Paliwanag ni Maria Ana Uy, community affairs officer IV at lider ng convergence team, ang mga nasabing barangay ay kinilala ng Department of the Interior and Local Government at ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas bilang mga ELCAC areas.
Nais aniya ni Gov. Reynaldo Tamayo Jr. na maagang malaman ang mga pinakamahahalagang pangangailangan ng mga nasabing barangay batay sa kani-kanilang Barangay Development Plan.
Bilang target na barangay ng ELCAC, paglalaanan ng pamahalaang nasyunal ng pondong magagamit sa mga proyekto ang kada barangay. Maglalaan din ang pamahalaang panlalawigan ng pondong pangsuporta sa kani-kanilang mga programa.
Dagdag pa in Uy, kabilang sa mga proyektong lubhang kailangan sa mga lugar ang pagpapaayos o pagbubukas ng mga kalsada, kuryente, patubig, pangkabuhayan, at marami pang iba.
Nakatakdang balikan ng convergence team ang mga nabanggit na lugar sa Setyembre para sa validation ng mga isyu at mga pangangailangan. (with report from the Provincial Government of South Cotabato)