Ang pakikilahok ng mga tauhan ng Naval Forces West sa Southeast Asia Cooperation and Training (SEACAT) 2021 na pormal na nagtapos ngayong Agosto 20, 2021 sa Singapore. (Larawan mula sa Naval Forces West)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Naging matagumpay ang pakikilahok ng mga miyembro ng Hukbong Dagat ng Pilipinas o Philippine Navy sa pamamagitan ng Naval Forces West sa isinagawang Southeast Asia Cooperation and Training (SEACAT) 2021 mula Agosto 15 hanggang Agosto 17, 2021.
Ang nasabing pagsasanay ay nilahukan ng ilang sasakyang pandagat ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, tulad ng patrol craft BRP Nestor Reinoso, AW 109 helicopter, Islander aircraft at ng bagong frigate BRP Antonio Luna.
Ang mga kaganapan sa nasabing pagsasanay ay isinagawa sa karagatan ng Northern Palawan pababa sa East Coast ng Puerto Princesa na sakop ng Sulu Sea.
Sa nasabing pagsasanay, ang bawat kalahok ay nagpalitan at nagpamalas ng kanilang kakayahan sa iba’t-ibang senaryo tulad ng kapabilidad ng mga ito sa pakikipagtalastasan sa lupa o himpapawid man; pinahusay na kamalayan sa maritime domain sa pamamagitan ng pagsasama ng mga kapabilidad ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa surface tracking; aerial surveillance, coastal radar, and automatic identification system (AIS) upang agad na matukoy at maharang ang mga sasakyang pandagat na maaaring pumasok sa kani-kanilang teritoryo at ang pagpapahusay pa ng interoperability katuwang ang mga foreign surveillance aircraft tulad ng P-8 Poseidon ng US Navy.
Layon din ng pagsasanay na mapanatili at mapalakas pang lalo ang mabuting ugnayan at kooperasyon sa mga panrehiyong hukbong-dagat.
Ang SEACAT 2021 ay pormal na nagtapos ngayong araw sa Singapore. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)