Ang isinagawang pagsasanay ng mga kawani ng Regulatory Division ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Rehiyong Mimaropa nito lamang unang linggo ng Agosto 2021 sa mga seaweed growers ng Sofronio Española patungkol sa Halal Seaweed Production and Processing Technology. (Larawan mula sa DA-Mimaropa)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Isinailalim sa pagsasanay sa Halal Seaweed Production and Processing Technology ang mga seaweed grower sa bayan ng Sofronio Española, Palawan.
Ang pagsasanay ay isinagawa ng mga kawani ng Regulatory Division ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Rehiyong Mimaropa nito lamang unang linggo ng Agosto 2021.
Layon ng pagsasanay na maturuan ang mga kalahok ng tamang pagpili ng spices, wastong proseso ng teknolohiya, aktuwal na operasyon at patuloy na pagsubaybay ng lahat ng tauhan, aplikasyon ng Good Manufacturing Practices (GMP) sa buong proseso, product packaging at coding o labelling ng gawa ng produkto.
Tinuruan din sila ng paggawa ng iba’t-ibang pagkain mula sa seaweed katulad ng seaweed noodles, cookies at pickles (atsara) na maaari nilang pagkitaan na makatutulong bilang dagdag kita ng kanilang mga pamilya.
Naging tagapagsanay dito sina Senior Aquaculturist Lea Dagot at Aquacultursit II Ma. Elena Basaya mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Palawan Field Office.
Katuwang din ang Municipal Agriculture Office ng Sofronio Española na pinangunahan ni MAO Aristotle Supe upang maging matagumpay ang nasabing pagsasanay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)