Nito lamang Agosto 17 ay nagsagawa na nang oryentasyon ang PSWDO kasama ang DILG-Palawan sa mga kinatawan mula sa LGU-Aborlan partikular mula sa Office of the Mayor, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), DSWD-4Ps, at Philippine National Police (PNP) dahil ito ang mga ahensiyang inaasahan na magiging katuwang ng PSWDO sa implementasyon ng Special Drug Education Center. (Larawan mula sa PSWDO)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Napili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang Bayan ng Aborlan bilang pilot area para sa itatatag na Special Drug Education Center (SDEC) na sisimulan ngayong taon at ito ay sa ilalim ng pangangasiwa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Ayon kay PSWD Officer Abigail D. Ablaña, napili ang Bayan ng Aborlan na maging pilot area ng SDEC dahil mayroon na itong kinokonsiderang proposed site o existing establishment na maaaring gamitin na pasilidad para sa nasabing sentro.
Ang pagtatatag ng SDEC ay batay sa inilabas na kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) o ang Amended Memorandum Circular No. 2006-150 on Establishment and Operation of Special Drug Education Centers (SDEC) for Out of School Youth (OSY) and Street Children.
Ang programang ito ng pamahalaan ay isang preventive program para sa mga out of school youth na nasa 15-30 taong gulang at mga batang lansangan na nasa 18 taong gulang pababa upang magabayan ang mga ito at mailayo sa pagkakasangkot sa iligal na droga lalo na ngayong panahon ng pandemya, ayon pa kay PSWDO Ablaña.
Nito lamang Agosto 17 ay nagsagawa na nang oryentasyon ang PSWDO kasama ang DILG-Palawan sa mga kinatawan mula sa LGU-Aborlan partikular mula sa Office of the Mayor, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), DSWD-4Ps, at Philippine National Police (PNP) dahil ito ang mga ahensiyang inaasahan na magiging katuwang ng PSWDO sa implementasyon ng naturang programa.
Binabalangkas na rin aniya ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at LGU-Aborlan para sa implementasyon ng programa habang tinutukoy pa ang mga barangay sa naturang munisipyo na may mataas na bilang ng OSY at mga batang lansangan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)