No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Gatchalian bubusisiin ang paghahanda sa pasukan kasunod ng pinunang pondo ng distance learning

MAYNILA, (PIA) -- Ilang linggo bago magsimula ang School Year 2021-2022, pangungunahan ni Senator Win Gatchalian ang masusing pagrepaso ng Senado sa kahandaan ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatuloy ng distance learning.

Kamakailan lang ay pinuna ng Commission on Audit (COA) ang mga deficiencies kasunod ng pagpapatupad ng Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) na umabot sa mahigit walong bilyong piso (P8.137B). Kabilang sa mga pinuna ng COA ang ilang lapses sa budget utilization, kawalan o kakulangan ng mga kinakailangang mga dokumento, mga pagkukulang pagdating sa disbursement at procurement, at iba pa.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 739 upang siyasatin ang kahandaan ng mga paaralan sa basic education na makapaghatid ng dekalidad na edukasyon para sa susunod na school year--face-to-face classes man, distance learning, o iba pang mga paraan ng pagtuturo.

Ngayong pinaghahandaan natin ang pagbubukas ng panibagong school year, nais nating matiyak na handa ang DepEd na makapaghatid ng dekalidad na edukasyon habang nagpapatuloy ang pandemya. Dapat ay natuto na tayo mula sa karanasan natin ng nakaraang taon upang maiwasan ang mga naging problema sa pagpapatupad ng distance learning,” ani Gatchalian.

Pinuna rin kasi ng COA ang naging mga aberya sa procurement, pag-imprenta, at paghahatid sa mga self-learning modules (SLMs) na itinuturing na backbone ng distance learning. Ayon sa COA, ang mga aberya ay dahil sa hindi maayos na pagpaplano at pag-monitor ng mga deliveries, pati na rin ang kabiguan ng mga suppliers na makumpleto ang mga requirements sa tamang oras.

Dahil hindi nagamit ang mga modules sa tamang panahon, pinuna ng COA na napagkaitan ang mga mag-aaral ng oportunidad na makapag-aral at naudlot ang pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral. Ayon pa sa ulat ng komisyon, may limang regional offices na hindi nakasunod sa mga pamantayan para sa SLMs, bagay na nagdulot ng hindi maayos na pag-imprenta.

Ayon din sa COA, ang pagkakaroon naman ng mga pagkakamali sa mga SLMs ay nagpapakita na may mga kakulangan din sa proseso ng pagsusuri na nakasaad sa DepEd Memorandum No. 82 s. 2017.

Paglilinaw naman ng DepEd, wala sa mga pinuna ng COA ang may kinalaman sa korapsyon,  katiwalian, negligence o kapabayaan, at betrayal of public trust. Dagdag ng ahensya, binuo noong 2019 ang  Audit Observation Memorandum (AOM) Task Force upang maging mas maayos ang ugnayan sa pagitan ng DepEd at COA pagdating sa pag-audit ng pondo. (OSWG/PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch