KABACAN, Lalawigan ng North Cotabato (PIA) -- Abot sa 150 magsasaka na miyembro ng Lower Paatan Multi-purpose Cooperative (LPMPC) sa bayan ng Kabacan ang makikinabang sa tulong mula sa Department of Science and Technology o DOST.
Ang upgrading ng rice mill ng LPMPC ay ipatutupad sa pamamagitan ng Grant-in-Aid Program ng ahensya.
Ayon kay DOST-North Cotabato Provincial Director Michael Ty Mayo, ang upgrading project ay pinaglaanan ng abot sa P980,000 at ipatutupad ngayong taon. Layon nito na maisulong ang mas mabilis, sulit, at kalidad na produksyon ng bigas.
Kaugnay nito, nilagdaan kamakailan ng DOST XII at ng LPMPC ang kasunduan para sa proyekto.
Maliban dito, isasailalim din ang mga benepisyaryong magsasaka sa angkop na technology trainings at consultancy services upang matulungan ang mga ito na mapalago ang kanilang kooperatiba.
Samantala, binigyang-diin ni DOST XII Regional Director Sammy Malawan na patuloy ang ginagawang paghahatid ng DOST ng science and technology interventions sa mamamayan upang matulungan ang mga itong maiangat ang kanilang kabuhayan, lalo na ngayong panahon ng pandemya. (With reports from DOST-North Cotabato)