LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Bukas na ang "newly renovated 10-room COVID-19 ward" na mayroon ding Intensive Care Unit (ICU) capability sa Ospital ng Sampalok (OSSAM).
Ayon kay Dr. Aileen Lacsamana, OSSAM director ilan sa mga gamit na binili ng pamahalaang lungsod ay ang portable X-Ray at ultrasound machine na may 2D echo, mga gamit na magiging tulong sa "efficiency" ng paghawak ng mga COVID-19 cases.
"'Yung COVID cases natin hindi na sila nilalabas. Hindi na sila binababa," pahayag ni Lacsamana.
Bukod sa mga nasabing kagamitan, bumili rin ang Lokal na Pamahalaan ng Maynila ng mechanical ventilators at hemodialysis unit upang madagdagan ang kakayahan ng ospital sa serbisyong pangkalusugan.
Pinasalamatan ni Lacsamana ang mga kawani ng Manila Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na siyang tumulong sa OSSAM sa pag-"set-up" ng pasilidad.
"Hindi po sila humihinto sa pag-iisip kung papaano pa po mapapataas 'yung kalidad ng serbisyo ng mga ospital gaya dito sa OSSAM. Kaya mula po sa akin, taos-pusong pasasalamat po sa ating mahal na alkalde at bise alkalde. Kami po ay magpapatuloy ng paglilingkod sa mga Batang Maynila," ani Dr. Lacsamana.
Ang Ospital ng Sampalok ay district hospital ng lungsod para sa ika-apat na distrito, at isa sa anim na district hospitals ng lokal na pamahalaan. (Manila PIO/PIA-NCR)