No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PDDRMC ilalabas Power Crisis Reso, kung patuloy blackout sa Occ Mdo

PDDRMC ilalabas Power Crisis Reso, kung patuloy blackout sa Occ Mdo

Overtime work sa OMCPC Emergency plant sa Brgy. Tayamaan, Mamburao upang tugunan ang problema sa kuryente ng lalawigan. (OMCPC)

SAN JOSE, Occidental Mindoro  (PIA) – Nakatakdang maglabas ng board resolution na nagpapahayag na may umiiral na power crisis sa lalawigan ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC).

Ito ay sakaling magpapatuloy ang malawakang blackout sa probinsya hanggang sa unang Linggo ng Setyembre, ayon kay Mario Mulingbayan, opisyal ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.

Sinabi ng opisyal na ang pag-iisyu ng nabanggit na resolusyon ay resulta ng nakaraang pulong ng PDRRMC, na ginanap sa Provincial Capitol Training Center, bayan ng Mamburao. Aniya, isusumite nila ang board resolution sa Sangguniang Panlalawigan (SP) bilang suporta sa naunang kahilingan ni Governor Eduardo Gadiano na isailalim ang Occidental Mindoro sa state of calamity.

Kaugnay nito, sinabi ni Mulingbayan na sakaling malagay na sa state of calamity ang probinsya, plano ng Pamahalaang Panlalawigan na bumili ng mga generator para sa mga tanggapan na nangangailangan ng tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente, tulad ng mga pagamutan at iba pa. Itataas din aniya sa national government ang sitwasyon sa kuryente ng lalawigan upang humingi ng tulong sa pagresolba sa kasalukuyang krisis.

Ang problema sa supply ng kuryente ng lalawigan ay bunsod ng pagtaas ng konsumo ng mga member/consumer at ang napasabay na maintenance ng mga generator sa planta ng power provider Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC).

Samantala, kinumpirma naman ng power distributor Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) na matagumpay na nai-synchronize nila ang mga plantang nagsu-supply ng kuryente sa kalakhan ng probinsya. Paliwanag ni Engineer Celso Garcia, OMECO Technical Services Manager, sa pamamagitan ng nasabing synchronization, madali na para sa OMECO na makontrol ang distribusyon ng kuryente base sa pangangailangan ng lugar. Tiniyak din ng kooperatiba na hindi na mauulit ang hanggang walong oras na brownout sakali mang magkaroon ng maintenance ang OMCPC. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch