No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Deped Palawan, nanguna sa pamimigay ng sweldo, benepisyo sa Mimaropa

Deped Palawan, nanguna sa pamimigay ng sweldo, benepisyo sa Mimaropa

PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Nangunguna  ngayon ang Department of Education-Schools Division of Palawan sa buong MIMAROPA Region sa pagbibigay ng sahod, mga benepisyo sa mga guro at iba pa.

Ito ang masayang ibinalita ni Schools Division Superintendent (SDS) Roger F. Capa, CESO VI, sa mga mamamahayag sa Kapihan sa PIA noong Agosto 25 sa SM Puerto Princesa.

Ayon sa kanya, sa nakalipas na apat na buwan, ang Deped Palawan ay nanguna sa buong Mimaropa Region sa pagbibigay ng benepisyo at mga suweldo  dahil  maaga nila itong ibinigay na siya namang ikinatuwa rin ng mga guro.

Pinatunayan naman ito ni Teacher 1 Michelle G. Escote ng Pasadeña National High School, El Nido, Palawan, aniya, napakalaking tulong  ito sa kanilang mga guro lalo na ngayong mayroong Covid-19 pandemic.

Maliban dito, kinumpirma rin ni SDS Capa na nangunguna  rin ang Deped Palawan sa pag-promote sa mga kwalipikadong mga guro.

Ibinalita ni Schools Division Superintendent (SDS) Roger F. Capa,CESO VI, sa naganap na Kapihan sa PIA noong Agosto 25 sa SM Puerto Princesa na nangunguna ngayon ang Deped Palawan sa buong Mimaropa Region sa pagbibigay ng sahod, mga benepisyo at promotion ng mga guro.(kuhang larawan ni Orlan Jabagat,PIA-Palawan)

“Bilang pangangalaga, pag-nurture sa ating mga guro, binibigyan natin  sila ng pagkakataon na ma-promote upang lalo silang maging produktibo sa kanilang trabaho”, saad pa ni SDS Capa.

Ipinagmalaki rin niya na sa katatapos na 2021 Gawad Siklab Awards, sa 30 nanalo, 27 rito ay mula sa Deped Palawan.  

Paliwanag pa ni SDS Capa,  para maging maayos ang kanilang pagpapatupad ng mga programa at proyekto, inilunsad nila kamakailan ang flagship program na 'Deped Palawan, Maasaahan' kung saan ang isang  bahagi nito ay ang pagkakaroon ng magandang relasyon ng Deped sa mga partner/stakeholders na lubos aniyang napakahalaga. (MCE/MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch