No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Gatchalian: Pagpapabakuna ng mga menor de edad mahalaga sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan

MAYNILA, (PIA) -- Binigyang diin ni Senator Win Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng mga menor de edad, lalo na 'yung mga may edad 12 hanggang 17, upang iangat ang kumpyansa ng mga magulang sa kaligtasan ng muling pagbubukas ng mga paaralan.

Bagama’t hangarin nating makabalik ang ating mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan, prayoridad pa rin natin ang kanilang kaligtasan. Kaya naman isinusulong natin ang pagbabakuna ng mga mag-aaral at kung sakaling maaprubahan na ang pagkakaroon ng face-to-face classes, simulan natin ito sa mga lugar na mababa o walang kaso ng COVID-19,” giit ni Gatchalian, na Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ayon sa isang Pulse Asia survey na kinomisyon ni Gatchalian, ang kasalukuyang panganib sa pagpunta sa mga paaralan ang pangunahing dahilan ng mga magulang at mga guardian sa hindi pagsang-ayon sa face-to-face classes. Isinagawa  ang naturang survey noong Hunyo 7-16, kung saan may 1,200 ang lumahok.

Nasa 90% sa mga hindi sumasang-ayon sa pagkakaroon ng face-to-face classes ang nagsasabing masyado pang mapanganib ang pagbalik sa mga paaralan dahil sa pandemya. Habang nasa 57% ang nagsabi na ang kawalan ng mga bakuna ay isa ring dahilan. Samantala, 14% lamang sa mga hindi sumasang-ayon sa face-to-face classes ang nagsasabing maayos ang mga modules na binibigay sa mga mag-aaral.

Sa buong bansa, 44% ng mga kalahok ang sumasang-ayon sa muling pagkakaroon ng face-to-face classes, 33% ang hindi sigurado, at 23% ang hindi sumasang-ayon. Mas marami naman sa classes D (44%) at E (49%) ang sumasang-ayon sa pagkakaroon ng face-to-face classes kung ihahambing sa classes ABC (53%).

Bagama’t balak ng pamahalaang simulan ang pagbabakuna sa mga menor de edad sa Setyembre o Oktubre, binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagkakaroon ng rollout plan.

Dapat aniyang kabilang sa planong ito ang Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), ang National Task Force (NTF) Against COVID-19, ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ang Department of Interior and Local Government (DILG), at local government units (LGUs).

Dagdag ni Gatchalian, dapat magkaroon ng risk-based assessment sa pagpili ng mga pilot sites ng limited face-to-face classes----bagay na kakailanganin pa rin ng pag-apruba ng Presidente.

Aniya, dapat ding bigyan ng prayoridad ang mga lugar na walang internet at kung saan maraming mag-aaral ang kabilang sa mga nangangailangang mga sambahayan. (OSWG/PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch