Una nang nakapagbigay ang LGU Abra de Ilog ng higit sa 1500 food packs at nagpahayag ng malaking pasasalamat si Mayor Eric Constantino sa suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense (OCD) at Pamahalaang Panlalawigan. (LGU Abra de Ilog)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nagpatupad ng granular lockdown ang pamahalaang lokal (LGU) ng Abra de Ilog sa mga lugar na may mataas na bilang ng aktibong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Inilagay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) status ang Barangay Poblacion na may 48 aktibong kaso, batay sa pinakahuling tala ng Abra de Ilog Municipal Health Office (MHO). Ang nasabing barangay, partikular ang Community Hospital at Pamilihang Bayan, ang tinuturing na epicenter ng pinangangambahang sakit dito. Naka-lockdown din ang isang sityo sa Brgy. Tibag at Brgy. Lumangbayan at apat na sityo naman sa Balao.
Ayon kay Mayor Eric Constantino, ito ang unang pagkakataon na tumaas ang bilang ng mga aktibong kaso sa kanilang bayan. Aniya, simula pa noong nakaraang taon ay mangilan-ngilan lamang ang nararanasan nilang kaso ng COVID-19 na agad nilang natutugunan.
Bukod sa pagpapairal ng granular lockdown, kabilang sa naging aksyon ng LGU ay ang disinfection ng Pamilihang Bayan. Isinara ang palengke na tatagal hanggang ika-31 ng Agosto, subalit maari itong palawigin, batay sa kabuuang sitwasyon ng munisipalidad. Patuloy din ang pagsasagawa ng massive testing na sinusubaybayan ng health workers/frontliners. Katuwang ng LGU ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng mahigpit na quarantine at contact tracing.
Sa kasalukuyan, saad ni Mayor Constantino, patuloy ang kanilang pagre-repack ng mga pagkain na dadalhin sa mga apektadong pamilya. Una nang nakapagbigay ang LGU Abra de Ilog ng higit sa 1,500 food packs at nagpahayag ng malaking pasasalamat ang Punong Bayan sa suporta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense (OCD) at Pamahalaang Panlalawigan.
Bagama’t walang katiyakan kung hanggang kailan tatagal ang kinakaharap nilang problema, umaasa si Mayor Constantino na sapat ang mga pinaiiral nilang hakbang upang mapigil ang higit pang hawahan ng virus. Hiling din ng Alkalde na magkaroon ng genome testing ng kanilang COVID-19 cases dahil sadyang nakababahala aniya ang bilis ng pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng nasabing sakit.
Panawagan din ng Punong Bayan na isantabi muna ang bangayan, siraan at pulitika. Higit aniya ngayong kailangan ang pagtutulungan at pagkakaisa upang mapagtagumpayan ang laban sa COVID-19. (VND/PIA MIMAROPA)