SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 29 (PIA) – Isinagawa kamakailan sa mga bayan ng Magsaysay at San Jose, ang groundbreaking ng ilang proyektong imprastraktura, sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) ng pamahalaan.
Benepisyaryo ng BDP ang Brgy. Purnaga, Magsaysay at Brgy. Batasan, San Jose, na kapwa naunang kinilala ng Philippine Army na naapektuhan ng insurhensya. Ngayon, ang mga pamayanang ito, sa bisa ng Executive Order No. 70, ay patuloy na nakikinabang sa mga serbisyo at programang hatid ng pamahalaan sa layuning maibalik ang kanilang tiwala at suporta sa gobyerno.
Isang local access road project, na nagkakahalaga ng P20 milyon, ang gagawin sa Brgy Purnaga. Ito, ani Magsaysay Mayor Cesar Tria, ay maghahatid ng positibong epekto sa kabuhayan ng mga residente ng nasabing barangay. Ang konkretong lansangan mula Brgy. Purnaga patungong kabayanan ay magpapabilis sa transportasyon ng mga produkto at paghahatid ng mga programa ng pamahalaan. “Marami sa mga sityo sa Purnaga ay nasa kabundukan. Magiging madali na para sa kanila ang pagbaba sa Poblacion, sila man ay may dalang produkto, may bibilhin o may karamdaman at kailangang magpatingin sa ating pagamutan,” ani Mayor Tria.
Tiniyak din ng Alkalde na ang local access road program ay resulta ng konsultasyon at napagpasyahan kasama ang mga residente ng Purnaga, kabilang ang mga katutubong nakatira sa barangay.
Samantala, nagsagawa din ng groundbreaking sa limang proyekto naman sa Brgy Batasan, San Jose. Ang mga ito ay ang upgrading ng Brgy Road sa Purok I, II at III, konstruksyon ng isang school building na may tatlong silid-aralan at street lights installation.
Batay sa panuntunan ng BDP, mismong ang komunidad sa pangunguna ng mga opisyal ng barangay ang siyang magdedetermina ng mga proyektong higit na makakatulong sa kanilang pamayanan at sapat ang halagang P20 milyon. Ibababa ang pondo sa Pamahalaang Panlalawigan na siyang nagpapatupad ng mga programa ng BDP.
Bukod sa Purnaga at Batasan, ang pito pang benepisyaryo ng BDP ay ang Brgy. Harrison at Mananao ng bayan ng Paluan, at mga Brgy ng Wawa, Udalo, Balao, San Vicente at Cabacao ng munisipalidad ng Abra de Ilog.
Pinangunahan ang nasabing gawain ni Governor Eduardo Gadiano, Chairman ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF ELCAC) at mga kasapi nito, kasama ang mga kinatawan ng Municipal at Barangay Task Force ELCAC. (VND/PIA MIMAROPA)