No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Panukalang batas ni Gatchalian layong maabot ang ‘zero illiteracy’ sa bansa

MAYNILA, (PIA) -- Naghain si Senator Win Gatchalian ng panukalang batas na layong pabilisin ang pag-abot ng “zero illiteracy” sa bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2348 o ang “National Literacy Council Act,” ang Literacy Coordinating Council (LCC) na nabuo dahil sa Republic Act No. 7165 ay magiging National Literacy Council. Isinusulong din ng panukalang batas ang pagkakaroon ng three-year roadmap upang makamit ang zero illiteracy.

“Sa isinusulong nating panukalang batas, mahalaga ang magiging papel ng parehong ALS at ng ating mga lokal na pamahalaan upang makamit ang zero illiteracy sa ating bansa. Ang pag-abot ng zero illiteracy ang isa sa mga unang mahalagang hakbang upang matiyak na wala tayong kababayang mapagkakaitan ng magandang kinabukasan,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa pagsugpo sa illiteracy sa bansa, mahalaga ang magiging papel ng Alternative Learning System (ALS) habang ang mga Local School Boards (LSBs) naman ay magsisilbing de facto local literacy councils. Ang ALS ay isang  sistema ng non-formal education na nagbibigay ng oportunidad sa mga hindi nakapag-aral o hindi nakatapos sa ilalim ng pormal na sistema. Layunin din ng ALS na linangin ang literasiya ng mga mamamayan.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang technical secretariat ng Council ay ililipat sa Bureau of Alternative Education (BAE) para sa administrative at technical support. Sa ilalim ng Republic Act No. 11510 o ang ALS Act, ang BAE ay itinatag upang pamunuan ang pagpapatupad ng mga programa para sa ALS.

Ang pagpapakilos sa mga LSBs naman ay sang-ayon sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11315 o Community-Based Monitoring System (CBMS) Act. Binibigyan ng CBMS Act ang mga lokal na pamahalaan at mga komunidad ng kakayahang gumawa ng sarili nilang database para sa mas mabisang pag-disenyo, targeting, at impact monitoring ng mga programang pangkaunlaran at laban sa kahirapan.

Ayon sa 2019 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS), anim (6) sa isang-daang (100) Pilipinong may edad na lima (5) pataas ang hindi pa rin maituturing na “basically literate”. Ibig sabihin, may anim (6) na milyong mga Pilipino ang hindi makapagbasa at makapagsulat na may pag-unawa sa mga simpleng mensahe.

Sa parehong taon, walong (8) porsyento ng mga Pilipinong may edad na sampu (10) hanggang animnapu’t apat (64) ang lumalabas na functionally illiterate. Ibig sabihin, halos pitong (6.7) milyong Pilipino sa age group na ito ang walang sapat at angkop na kakayahang makilahok sa mga pang-araw-araw na gawain gamit ang wikang panulat. (OSWG/PIA-NCR)

About the Author

Jerome Carlo Paunan

Editor

NCR

Feedback / Comment

Get in touch