Dahil sa mga ipinatutupad na health protocols sa lungsod ay limitado lamang ang mga mamamahayag na na-imbitahan sa ‘meet and greet’ ni Australian Ambassador to the Philippines His Excellency Steven James Robinson AO noong Agosto 27. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Bumisita sa Puerto Princesa si Australian Ambassador to the Philippines His Excellency Steven James Robinson AO at ang mga kasamahan nito noong Agosto 27.
Layon ng pagbisita nito ang pagpapanatili ng mas matibay na samahan sa pagitan ng bansang Australia at Pilipinas at pagbibigay suporta sa sektor ng turismo sa lalawigan at maging sa mga lokal na pamahalaan.
Bumisita ito sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Western Command (WESCOM) at sa isang Non-Government Organization (NGO) na Roots of Health na kanila aniyang tinutulungan sa programang reproductive health.
Ayon kay Ambassador Robinson, ilan sa mga napagusapan sa kanyang pagdalaw sa lungsod ay may kaugnayan sa pangangalaga ng kapaligiran, usapin sa West Philippine Sea (WPS) at maging ang usapin sa pandemya.
Tuloy-tuloy din aniya ang pagbibigay ng kanilang bansa ng development assistance sa Pilipinas, kasama na dito ang sa sektor ng kalusugan, edukasyon at seguridad.
Dahil sa mga ipinatutupad na health protocols sa lungsod ay limitado lamang ang mga mamamahayag na na-imbitahan sa ‘meet and greet’ nito kung saan hinikayat niya ang mga miyembro ng media na mag-apply sa kanilang scholarship program.
Aniya, kapag napili ang mga ito na maging benepisyaryo ng scholarship program ay kasama ang kanilang pamilya na papupuntahin sa Austrlia. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)