No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

‘Gawad na Selyo sa Kahusayan’ mula KWF, nasungkit ng OPPAP

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasungkit ng Tanggapan ng Pampanguluhang Tagapayo sa Prosesong Pangkapayapaan (OPAPP) ngayong taon ang Gawad na Selyo sa Kahusayan sa Serbisyo Publiko (Antas 1) mula sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).

Ang nasabing parangal ay iginawad sa OPAPP sa Araw ng Gawad nitong Martes, ika-31 ng Agosto sa taong kasalukuyan, kasabay ng pagtatapos ng Buwan ng Wikang Pambansa.

Lubos namang ikinatuwa ng Pampanguluhang Tagapayong Pangkapayapaan ang pagkilala na natanggap nito mula sa Komisyon.

Ani Kalihim Carlito G. Galvez, Jr., malaking karangalan ito para sa tanggapan bilang pagkilala sa kalidad ng serbisyong inihahatid nito sa taumbayan.

Kasabay ng ating selebrasyon sa Buwan ng Wika ngayong Agosto, ay patuloy nating isinusulong ang tunay at pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa buong bansa, partikular na sa mga pamayanang apektado ng armadong kaguluhan at karahasan,” ani Galvez sa kanyang mensahe para sa okasyon.

Isa sa aming mga paraan upang maisagawa ito ay ang pagsalin ng aming mga materyales pang-komunikasyon sa wikang Filipino at iba pang mga lokal na pananalita upang gawing mas epektibo at maipaabot sa ating mga mambabasa ang mensahe ng kapayapaan,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa kalihim, layunin ng OPAPP na gamitin ang wikang Filipino bilang isang instrumento upang pagbuklurin “ang ating mga mahal na kababayan sa gitna ng mga hamon na dulot ng panemyang ito, tungo sa isang mapayapa, matatag, at maunlad na bansa.”

Samantala, kabilang sa mga pamantayan ng KWF sa paggawad ng unang antas ng Selyo ng Kahusayan ay ang mga sumusunod:

  • Ang ahensya ay nakapagdaos na ng Seminar sa Korespondensiya Opisyal ng KWF;
  • May nabuong Lupon sa Wikang Filipino (LWF); nasa Filipino ang ulong sulat o letterhead;
  • Naisalin sa Filipino o nasa Filipino ang misyon at bisyon ng inyong institusyon;
  • Nasa Filipino ang ilang proseso at karatula na gagabay sa mga kliyente, online man o limbag;
  • May mga pormularyo para sa mga kliyente na nakasulat sa Filipino;
  • May mga korespondensiya, katulad ng liham, memorandum, at iba pa na nasa Filipino;
  • Ginagamit ang Filipino sa mga social media account ng institusyon; at nasa Filipino ang mga pabatid, poster, brochure, at mga katulad na materyales, online man o limbag.

(OPPAP/PIA-NCR)

About the Author

Lucia Broño

Writer

NCR

Feedback / Comment

Get in touch