No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Magpabakuna laban sa Covid-19 at manalo ng P1 milyon

ODIONGAN, Romblon (PIA) — Tuloy-tuloy parin ang ginagawang panghihikayat ng gobyerno sa publiko na magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Noong Oktubre 11, inilunsad sa rehiyon ng Mimaropa ang programa ng Department of Health (DOH) na “Resbakuna Bakunado Panalo” kung saan ang mga bakunado laban sa virus ay may tiyansang manalo ng hanggang P1 milyon  cash prize.

Sa isang press conference na inorganisa ng Philippine Information Agency-Mimaropa, sinabi ni Erica Figueroa, Information Officer II ng DOH Center for Health Development Mimaropa, na ang mga bakunadong edad 18-pataas ay puwedeng sumali sa promo.

Isang daang kalahok ang pwedeng manalo sa monthly draw na magsisimula ngayong Oktubre hanggang Nobyembre na aabot sa P5,000 kada mananalo, at P100,000 hanggang P1,000,000 cash naman ang pwedeng mapanalunan sa grand draw sa katapusan ng taon.

Para sumali, mag text lamang ng RESBAKUNAREG NAME/AGE/ADDRESS, at i-send sa 8933.

Ang sunod na gagawin ay kailangang i-text kung anong bakuna ang natanggap, mag text ng: RESBAKUNA unang letra ng vaccine brand/pang-ilang dose/LGU/petsa ng bakuna at i-send ulit sa 8933.

Ayon kay Figueroa, ang first dose ay katumbas ng isang raffle entry, pero kung kayo ay senior citizen makakatanggap kayo ng dalawang raffle entries. Kapag second dose, dalawang raffle entries naman, at kapag second dose na senior citizen, makakatanggap naman ito ng apat na  raffle entries.

Para naman sa bakunado ng single dose vaccines katulad ng J&J, sila ay makakatanggap ng tatlong raffle entry pero kung senior citizen, anim na raffle entries ang kanilang matatanggap.

Paalala ni Figueroa, ang isang cellphone number ay maari lamang gamitin para magrehistro ng isang bakunado.

Sa huling tala ng DOH Center for Health Development Mimaropa, may aabot na sa 391,786 katao sa Mimaropa ang nakatanggap na ng kanilang second dose ng bakuna laban sa virus. (PJF/PIA Mimaropa)


About the Author

Paul Jaysent Fos

Writer

Region 4B

Information Center Manager of Philippine Information Agency - Romblon

Feedback / Comment

Get in touch